Ray Apolo

“Buti na lang may plano ako sa Philam Life. Nung mga panahong para bang guguho na ang mundo ko sa kaliwa’t kanang problemang aking nararanasan, hindi ko inaasahang may tulong na darating mula sa aking plano. Nagawa kong maitawid ang pamilya ko sa gitna ng hirap.”


- Ray Repaso Apolo, 57 years old, from Naga City
Veterinarian
Philam Life Policyholder


Sa oras ng kagipitan, sigurado akong maaasahan ko ang Philam Life.

Ako ay isang empleyado ng isang sikat na kompanya dito sa Pilipinas. Mula sa pagiging rank and file, naabot ko ang posisyon ng isang Area Manager. Mula sa Bulacan, inilipat ako sa Visayas at pagkatapos ay sa Mindanao.

Nang permanente akong madestino sa Davao City, nagdesisyon ako na doon na manatili kasama ng aking ina at mga kapatid.

Dahil wala na akong ama, ako ang tumayong breadwinner o ama ng aming pamilya. Maligaya at sama-sama kami sa iisang bubong. Maganda at maayos ang aking trabaho. Sapat ang aking kinikita upang masuportahan ang aking pamilya at ang dalawa kong kapatid na parehong walang hanapbuhay ng mga panahong iyon. May mga anak sila na mahal na mahal ko. Bukod pa roon, nakakatulong pa ako sa ibang mga kamag-anak at mga kaibigan na nangangailangan ng tulong.

Hunyo 23, 2003 nang magsimula ang aking problema. Nasangkot sa anomalya ang ilan sa aking mga tauhan. Nagkaroon ng sabwatan sa pagitan ng ilang mga personel na ikinawala ng malaking halaga. Bilang pinakamataas na namumuno sa lugar, ako’y nadamay at tinanggal sa trabaho.

Pinaglaban ko ang aking kaparatan lalo na’t sa dalawampu’t tatlong taon kong paninilbihan sa kompanya, ako’y naging matapat at maayos sa aking panunungkulan.

Sa mga panahong ito, unti-unti nang nauubos ang kakaunti kong naipon dahil na rin sa dami ng aking tinutustusan kasama na ang gamot para sa maysakit kong ina.

Mag-iisang taon na akong walang trabaho at bigo sa paghahanap ng mapapasukan. Hindi ko malaman kung ano ang aking gagawin. Sa gabi, umiiyak ako at hindi makatulog, nagtatanong kung bakit nangyari ito sa akin? Paano na ang mga taong umaasa sa akin? Ang pag-aaral ng aking mga pamangkin? Ang gamot ng aking inang nakaratay? Ang aming kakainin at mga babayarin?

Gusto ko nang mabaliw o magpakamatay para matakasan ang hinaharap na problema. Mayo ng taong 2004, nawawalan na ako ng pag-asa. Naging mainitin ang aking ulo at nadaramay na sa aking problema ang mga mahal ko sa buhay.

Mauubos na ang gamot ng nakaratay kong ina. Inabot niya ang aking kamay at habang tumutulo ang luha mula sa kanyang mga mata, ang sabi niya sa akin, “tumawag ka sa Kanya, anak at hindi ka Niya pababayaan. Magtiwala ka.”

Nang gabing iyon, taimtim akong nagdasal. Bukas, wala na kaming kakainin, wala nang bigas na isasaing, wala nang laman ang refrigerator, at wala nang ulam na lulutuin.

Kinaumagahan, malungkot akong bumangon; nakatingin lang ako sa kawalan; nag-iisip kung ano ang aking gagawin.

Parang madudurog ang puso ko nang tumingin sa akin ang aking kapatid at sinabing, “Kuya, wala na tayong almusal.”

Dali-dali akong nagbihis at nagpaalam sa kanila, “Magtatangkang mangutang sa mga taong dati ko nang natulungan,” ang sabi ko. “Magbabaka-sakali.”

Papalabas na ako ng gate ng aking makasalubong ang kartero at may inabot siyang sulat sa akin – sulat mula sa Philam Life. Akala ko ay naniningil na ng premium para sa insurance ko. Hindi ko na sana papansinin dahil wala naman akong pambayad subali’t parang may nag-utos sa akin na buksan ito. Laking-gulat at tuwa ko nang aking mabasa ang sinasaad nito: “Your survivor benefit has matured and as such, you will receive the amount of P10,000. Please come to our nearest office and claim your benefit.”

Hindi ako makapaniwala! Ito ang nagsalba sa amin sa huling buwan na wala akong trabaho. Ang laking tulong talaga sa akin ng Philam Life! Ang pinakahuli kong natanggap na benepisyo mula sa aking survivor benefit ay nagamit ko rin na pampa-enroll sa aking pamangkin na magkokolehiyo.

Tunay ngang sa oras ng kagipitan at di inaasahang pagkakataon, nandiyan ang Philam Life upang masandalan. Taos-puso akong nagpapasalamat sa inyo at naging bahagi kayo ng aking buhay.

 

Contact a Philam Life Financial Planner

Contact us at (02) 528-2000 or
email us at philamlife@aia.com.